Walang interes si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagtatatag ng isang Authoritarian Gov’t.
Ito ang sagot ng Pangulo sa tanong ng Australian Journalist na si Sarah Ferguson sa kung papaano nito naitataboy ang ideya ng Authoritarianism sa harap ng naging pagpapatalsik sa kanyang Amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng People Power Revolution.
Ayon sa Pangulo, wala siyang “impulses” o pagnanais sa Authoritarianism, dahil maayos naman ang kasalukuyang sistema at mayroong gumaganang Konstitusyon sa loob ng mahigit tatlong dekada.
Bagamat umaasa siyang magkakaroon ng mga pagbabago sa Saligang Batas, sinabi ni Marcos na wala siyang nararamdamang anumang tukso na gawin itong Authoritarian System.
Iginiit naman ng Pangulo na ang bersyon ng pamumuno ng kanyang ama ay mayroon pa ring partisipasyon ng lahat ng stakeholders, at kinailangan lamang umanong i-deklara noon ang batas militar dahil sa sitwasyon sa peace and order.