Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatatag ng Universal Health Care Coordinating Council (UHC), na tututok at titiyak sa epektibong implementasyon ng Universal Health Care Law.
Sa Press briefing sa Malakanyang, inihayag ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na ang UHC Council ay bubuuin ng DOH bilang council chair, Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang co-chair, at gayundin ng Department of Information and Communications Technology, DBM, Department of Finance, PhilHealth, Professional Regulation Commission, National Economic and Development Authority, at maging ang Technical Education and Skills Development Authority, Commission on Higher Education, at Department of Education.
Ipinatutukoy ng Pangulo sa UHC Council kung magkano ang gagastusin para magkaroon ng ‘equitable healthcare’.
Sisiguruhin din nito na naipatutupad ang Universal Health Care hanggang sa Local Government Level, at imo-monitor kung paano ginagastos ng mga LGUs ang pondo para sa Healthcare at pondo mula sa PhilHealth.
Sinabi naman ni Herbosa na dati ay nagkaroon ang bansa ng highly-centralized Healthcare System, ngunit napawi ito dahil sa mga balakid sa ilalim ng Local Government Code of 1991.
Sa ngayon ay babalangkasin na ang Executive Order na magtatatag sa Universal Health Care Coordinating Council (UHC)
—Ulat ni Harley Valbuena, DZME News