Walang lugar sa administrasyon ang pagiging maluwag sa mga police official na dudungisan ang reputasyon ng Philippine National Police, at maglalagay sa peligro sa publiko.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa oath-taking ng 57 bagong promote na police generals sa Malakanyang.
Sa kanyang talumpati, hinamon ng Pangulo ang bagong police officials na maging “agents of positive change” o tapagsulong ng positibong pagbabago sa bansa.
Pina-alalahanan din silang panatilihin ang integridad at maging tapat sa serbisyo-publiko sa lahat ng oras, sa kabila ng maraming pagsubok na kinahaharap ng kanilang institusyon.
Sinabi rin ng Pangulo na bilang mga lider ng pulisya ay dapat silang magpakita ng pinakamataas na pamantayan sa ethics, propesyunalismo, at paggalang sa karapatang pantao, hindi lamang sa kanilang sarili kundi sa mamamayan.
Pinayuhan din silang magsilbing ehemplo at tiyaking sumusunod sa mga pamantayan ang lahat ng pulis sa kanilang hanay. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News