Tinalakay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay US President Joe Biden ang umiinit na tensyon sa Asia-Pacific region, na maaaring ito na umanong pinaka-komplikadong geopolitical situation sa mundo sa kasalukuyan.
Sa bilateral meeting sa White House, inihayag ng pangulo na natural lamang para sa Pilipinas na palakasin ang relasyon sa America na itong natatanging treaty partner ng bansa, sa gitna ng tensyon sa South China Sea, Asia-Pacific, at Indo-Pacific region.
Kaugnay dito, pinuri ni Marcos ang tulong na ibinibigay ng USA para panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Nagkasundo rin ang dalawang lider na i-angat pa ang alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos.
Tiniyak naman ni Biden na nananatili ang kanilang “ironclad commitment” sa depensa ng Pilipinas, at patuloy nitong susuportahan ang modernisasyon ng Philippine military.
Mababatid na ilan sa mga kasalukuyang sigalot sa rehiyon ay ang tensyon sa Taiwan at South China Sea dispute. —sa ulat ni Harley Valbuena