Suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mungkahi ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Jobs Sector Group sa pagsasanay ng mas marami pang trabahanteng Pilipino sa Healthcare at Information Technology (IT).
Sa 5th PSAC meeting sa Malakanyang, tinalakay ng Pangulo ang isyu ng ‘brain drain’ sa healthcare at IT sectors na nag-uudyok sa maraming skilled workers na mag-trabaho abroad para sa mas malaking kita.
Aminado naman ang PSAC na hindi kayang tapatan ng Local labor market ang malaking sweldong iniaalok ng mga kumpanya at Health institutions sa United Kingdom, United States of America, Australia, at Europe.
Kaugnay dito, iminungkahi ng Pangulo ang pagbibigay ng scholarships at kapalit nito ay oobligahin muna ang mga benepisyaryo na magtrabaho sa Pilipinas sa loob ng tatlong taon bago sila payagang mangibang-bansa.
Sinabi naman ng PSAC na maaari silang mag-alok ng Certificate programs para sa skills training.