Opisyal nang sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rice importation o pag-aangkat ng bigas sa loob ng 60 araw simula Sept. 1 ng kasalukuyang taon.
Inanunsyo ito ni Presidential Communications Sec. Dave Gomez matapos ang Cabinet meeting ngayong araw, sa gitna ng limang araw na state visit ng Pangulo sa India.
Ayon kay Gomez, nakabatay ang desisyon sa rekomendasyon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., upang matulungan ang mga lokal na magsasaka ngayong anihan at mapanatili ang makatarungang farmgate price ng palay. Isa rin sa mga dahilan ng mungkahi ay ang labis na dami ng lokal at imported na bigas sa merkado, na nagpapababa sa presyo ng palay.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 9.077 milyong metriko tonelada ang ani ng palay sa unang kalahati ng taon, ang pinakamataas sa kasaysayan.
Pinahihintulutan ang pansamantalang pagbabawal sa rice importation sa ilalim ng Republic Act 12078, kung may sapat o sobrang suplay ng bigas sa bansa.
Samantala, iginiit ng Pangulo na hindi pa napapanahon ang pagtaas ng taripa sa imported rice.