Pinaplano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magtalaga ng mga karagdagang miyembro ng gabinete sa nakatakdang pagtatapos ngayong Mayo ng 1-year ban para sa mga natalo noong 2022 elections.
Sa interview habang sakay ng flight PR001 patungong America, inihayag ng pangulo na maraming magagaling na personalidad na bagamat bigong mahalal ay nais pa ring tumulong.
Kaugnay dito, sinabi ni Marcos na sa ikalawang taon ng kanyang termino ay maaaring magdagdag siya ng mga opisyal sa gabinete.
Mababatid na nananatiling bakante ang posisyon sa pagiging kalihim ng Department of Health, habang wala pa ring naitatalaga ang pangulo na permanenteng kalihim ng Department of Agriculture.
Sa ilalim ng saligang batas, hindi pinapayagan ang sinumang natalong kandidato na ma-appoint sa anumang posisyon sa gobyerno sa loob ng isang taon mula sa eleksyon. —sa ulat ni Harley Valbuena