Pinulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang iba’t ibang kagawaran kaugnay ng underspending o mabagal na paggamit ng mga pondo.
Sa sectoral meeting sa Malakanyang ngayong araw ng Martes, ini-ulat ni Budget Sec. Amenah Pangandaman ang mga sanhi ng mababang disbursement ng mga pondo kabilang ang mga balakid sa procurement, substantial outstanding checks, at problema sa billing mula sa suppliers o creditors.
Samantala, sa press briefing sa Malakanyang ay ibinahagi ni Labor Sec. Bienvenido Laguesma na kasama ang DOLE sa mga ahensyang may mababang utilization rate sa 1st quarter ng taon.
Partikular umanong pinagtuunan ng pansin ng pangulo ang social protection programs tulad ng tulong panghanapbuhay sa ating disadvantaged/displaced workers o TUPAD.
Bukod dito, sinabi rin ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na nagkaroon ng delay sa paglalabas ng pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), dahil sa problema sa listahanan at sa sistema ng pagpili ng mga benepisyaryo.
Matatandaang sa latest cash operations report ng Bureau of the Treasury, ipinakitang umabot sa P170.5-B o 6.6% ang bigong magastos ng gobyerno mula sa kabuuang P2.582-T disbursement para sa 1st semester ng taon. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News