Pinulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Dep’t of the Interior and Local Gov’t, Philippine Amusement and Gaming Corp., at Presidential Anti-Organized Crime Commission kaugnay ng nalalapit na deadline ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ban.
Sa press briefing sa Malakanyang, iniulat ni PAGCOR Chairman Al Tengco na sa ngayon ay pito na lamang ang nalalabing POGO na mayroon pang lisensya, at pino-proseso na rin ang kanselasyon ng mga ito.
Kaugnay dito, ipina-alala ng PAGCOR na pagdating ng Dec. 15, kanselado na ang lahat ng lisensya ng mga POGO at pagdating ng Jan. 1, 2025, ang sinumang magpapatuloy pa rin ng POGO operations ay ituturing nang iligal.
Maliwanag din umano ang utos ng Pangulo sa DILG, sa pulisya, at sa PAOCC na tugisin ang mga POGO. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News