Umarangkada na ang pilot implementation ng Food Stamp Program ng gobyerno o ang pagbibigay ng food credits sa pinaka-mahihirap na pamilyang Pilipino upang kanilang maipambili ng mga pangunahing pagkain.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kickoff activity ng Food Stamp Program o “Walang Gutom 2027”, sa Tondo, Maynila.
Ang Tondo ang tinukoy na pilot site ng programa kung saan pinili ang 50 pamilya bilang mga pangunahing benepisyaryo.
Binigyan sila ng tap cards o tinatawag na “EBT cards” na naglalaman ng P3,000, na kaagad ginamit ng ilang benepisyaryo sa pagbili ng mga pangunahing pagkain mula sa ipinuwestong Kadiwa ng Pangulo stalls.
Sa P3,000, P1,500 ang maaaring gamiting pambili ng carbohydrate foods tulad ng bigas, tinapay, mais, at noodles.
P900 naman ang para sa protein foods tulad ng karneng manok, baboy, isda, itlog, beans, at maging ang mantika at asin.
Habang ang nalalabing P600 ay para sa mga prutas at gulay.
Sa kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo na target niyang wakasan na ang problema ng gutom sa bansa sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2028.
Samantala, bukod sa pangulo ay dumalo rin sa kickoff ng Food Stamp Program sina DSWD Sec. Rex Gatchalian, Vice President Sara Duterte, at Manila Mayor Honey Lacuña. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News