Pinaghahanda na ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang mga lokal na pamahalaan sa La Niña phenomenon kung saan inaasahan ang mas madalas at mas matitinding mga pag-ulan.
Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng El Niño sa Zamboanga City, inihayag ng pangulo na ang buong mundo ay nahaharap sa matinding pagsubok dulot ng climate change.
Kaugnay dito, nanawagan ito sa mga LGU na maging handa sa lahat ng oras, alamin ang pangangailangan sa mga nasasakupan, at gumawa ng mga programang tiyak na makatutulong sa publiko.
Ang La Niña ay inaasahang tatama na sa bansa sa pagitan ng Hunyo at Agosto.
Samantala, sa harap ng nagpapatuloy na El Niño ay tiniyak ng pangulo na ang malakanyang mismo ang pupunta sa mga mamamayan upang ipaabot ang mga tulong at programa.