Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na naging bahagi ang Pilipinas ng “VIP Club” ng Southeast Asian Countries sa World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland.
Ayon kay Marcos, dahil sa pagdalo sa WEF ay nasama ang pilipinas sa VIP Club na kinabibilangan ng Vietnam at Indonesia.
Sinabi ng Pangulo na ang mga kasama sa VIP Club ay ang mga bansang may pinaka-masiglang ekonomiya sa Asya.
Kasabay nito, iginiit ng Chief Executive na naging makabuluhan ang pagtutungo ng delegasyon ng Pilipinas sa Switzerland dahil marami silang nakilala at nakausap na Economic at Political Leaders.
Kabilang sa mga nakapulong at naka-daupang palad ng Pangulo sa Davos ay sina WEF Founder at Chairman Emeritus Klaus Schwab, World Trade Organization Director-General Ngozi Okonjo-Iweala, World Bank Managing Director for Operations Axel Van Trotsenburg, International Monetary Fund Managing Director Kristalina Georgieva, at Former British Prime Minister Tony Blair.