Nilinaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi si Finance Sec. Benjamin Diokno ang magpapatakbo ng Maharlika Investment Fund.
Ito ay kahit na nakasaad sa Maharlika Investment Fund Act na ang Finance Sec. ang magsisilbing “chairperson in ex officio capacity” ng board of directors ng Maharlika Investment Corp.
Sa ambush interview sa Maynila, inihayag ng Pangulo na tinanggihan niya ang unang mungkahi na gawin siyang chairman ng Maharlika Fund dahil siya ay nasa pulitika, at ang pulitika ay dapat umanong ihiwalay sa wealth fund.
Gayunman, sinabi ni Marcos na may interes ang gobyerno sa Maharlika Fund kaya’t kailangan silang magkaroon ng kinatawan dito, sa katauhan ni Sec. Diokno bilang ex officio member.
Sa kabila nito ay nilinaw ng chief executive na hindi si Diokno ang magpapatakbo ng Maharlika Fund dahil ang desisyon ng mamumuno ay hindi dapat nakabatay sa pulitika kundi dapat nitong pagtuunan kung ano ang makagaganda at magpapatibay sa Maharlika Fund.
Matatandaang nilikha ang Maharlika Fund na gagamitin sa pag-iinvest upang ito ay mapalago at makapagdagdag ng kita sa gobyerno. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News