Isa nang ganap na batas ang Philippine Ecosystem and Natural Capital Accounting System (PENCAS), para sa accounting o sistematikong statistics ng natural resources ng Pilipinas.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Republic Act no. 11995, na magsusulong sa pangangalaga ng kapaligiran at pagtataguyod ng ecological balance at resilience.
Sa ilalim nito, bubuuin ang official statistics sa depletion, degradation, at restoration ng natural capital, expenditures o gastos sa environmental protection, polusyon at kalidad ng lupa, tubig, at hangin, at iba pang pinsala sa kapaligiran.
Inatasan naman ang Philippine Statistics Authority (PSA) board na pangunahan ang implementasyon ng batas, at pinabubuo rin ito ng interagency working group.
Tutulong din ang Department of Agriculture para sa National Capital Accounting Information ng agricultural areas at fisheries and aquatic resources, at gayundin ang Department of Environment and Natural Resources.