Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order (EO) no. 57 para sa pagpapalakas ng maritime security at maritime domain awareness, sa harap ng lumalalang mga agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa Pangulo, kailangang paigtingin ang maritime security dahil sa mga seryosong banta sa territorial integrity at mapayapang pamumuhay ng mga Pilipino, kabilang na ang kanilang karapatang mamuhay ng malaya na malayo sa karahasan.
Ito rin ang magiging daan sa komprehensibong pagtugon sa mga isyung nakaa-apekto sa national security, sovereignty, sovereign rights, at maritime jurisdiction sa extensive maritime zones ng bansa.
Sa ilalim ng EO, ni-reorganize ang national coast watch council at pinalitan bilang National Maritime Council (NMC), at inatasan itong bumuo ng mga polisiya at istratehiya para sa nagkakaisa at epektibong pagtataguyod ng maritime security.
Ang NMC ay pamumunuan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, at magsisilbing miyembro ang mga kalihim ng Department of National Defense, Department of Foreign Affairs, Department of Agriculture, Department of Energy, Department of Environment and Natural Resources, Department of Finance, Department of the Interior and Local Government, Department of Transportation, gayundin ang National Security Adviser, Solicitor General, at Director General ng National Intelligence Coordinating Agency.