Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang Unity o pagkakaisa na kaniyang isinulong noong 2022 Presidential Elections, ay hindi lamang isang teorya at campaign slogan, kundi ito ang nagiging solusyon para tugunan ang suliraning hinaharap ng Pilipinas.
Sa kaniyang talumpati sa pamamahagi ng iba’t ibang tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa Isulan, Sultan Kudarat, tiniyak ng pangulo na sa bagong Pilipinas, nagkakaisa ang pamahalaan upang sabay-sabay na mapagtagumpayan ang mga unos at pagsubok.
Kasabay nito’y pinuri ni Marcos ang Sultan Kudarat kung saan napatunayan umano ang magandang naidudulot ng pagkakaisa, dahil ito ay pruweba na maaaring mamuhay nang matiwasay ang mga nagmula sa iba’t ibang relihiyon.
Ito ay nag-resulta sa mapayapang lipunan at maunlad na ekonomiya, isang asensadong Sultan Kudarat na payapa at progresibo.
Samantala, tiniyak din ni Marcos ang pinaigting na pagkakaisa sa kasabay ng pangakong kasama ng publiko ang pamahalaan sa paglaban sa epekto ng El Niño.