Nanindigan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hands off ito sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay kasunod ng pag-impeach ng Kamara sa pangalawang Pangulo sa pamamagitan ng pagboto.
Sa press conference sa Malacañang, iginiit ng Pangulo na walang papel ang executive branch sa impeachment proceedings, dahil ito ay Constitutional mandate ng Kongreso.
Gayunman, ibinahagi ng Pangulo na natalakay niya ang impeachment sa Senado at Kamara.
Inamin din nito na humingi sa kanya ng payo ang anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, sa pagboto nito pabor sa impeachment trial.
Sinabi rin ni Marcos na bagamat una na siyang nanawagan sa Kongreso na huwag nang ituloy ang impeachment, hindi pa rin niya mapipigilan ang ilang grupo na naghain nito tulad ng Makabayan Bloc, religious groups, at si former Sen. Leila de Lima.