Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang plano na magtayo ng sampung bagong fish ports na may state-of-the-art facilities at equipment sa bansa.
Bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang paunlarin ang agri-fishery sector at maabot ang food security.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang pangunahan niya ang inagurasyon ng rehabilitated at improved Philippine Fisheries Development Authority–Iloilo Fish Port Complex sa Barangay Tanza-Baybay, Iloilo City.
Sa kanyang talumpati, tinukoy ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagtatayo ng bagong fish ports na may mahahalagang istruktura gaya ng cold storage facilities upang mapabuti ang operasyon at matugunan ang problema sa logistics.
Sinabi rin ni Marcos na kailangang sumabay ang Pilipinas sa mga karatig-bansa tulad ng Thailand at Vietnam na nagpapatupad ng kaparehong sistema upang mapaunlad ang fisheries sector, maging globally competitive, at mapalakas ang food production.