dzme1530.ph

PBBM, nangakong bubuwagin ang mga makapangyarihang sindikatong nagmamanipula sa mga presyo at suplay

Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bubuwagin nito ang mga makapangyarihang sindikatong nagmamanipula sa presyo at suplay ng mga produktong pang-agrikultura.

Ayon sa Pangulo, ang bawat sako ng smuggled na bigas, bawat patagong transaksyon sa sibuyas, at bawat substandard na mga karneng inilulusot sa quarantine ay hindi lamang kumakatawan sa mga numero kundi sa mga naaagrabyadong buhay, pamilya, at kinabukasan.

Kaugnay dito, sinabi ni Marcos na tapos na ang mahabang panahon ng pananamantala sa mga manggagawa sa agrikultura, ng mga dayuhan at ng mga nagkukubling indibidwal.

Ibinabala ng Pangulo na ang mga nagnanais na babuyin ang mayamang lupa at katubigan ng bansa ay wala nang takas sa kamay ng hustisya, sa ilalim ng isinabatas na Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Sa ilalim nito ay hindi lamang umano ang mga mastermind ang tutugisin, dahil pananagutin din ang lahat ng kasangkot kabilang ang financiers, brokers, employees, at maging ang transporters o mga tagapag-deliver ng mga produkto.

Tiniyak ng Pangulo na sa ilalim ng Bagong Pilipinas, wala nang backdoor, wala nang shortcuts, at wala nang pagbubulag-bulagan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author