Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng pagsasanib-pwersa ng Pilipinas at Australia sa paglaban sa mga banta sa rule of law, at sa kapayapaan at kasaganahan sa rehiyon.
Sa kanyang talumpati sa Australian Parliament sa Canberra, inihayag ng Pangulo na nahaharap ngayon sa peligro ang peace and stability sa indo-pacific, kung saan ang Pilipinas umano ay nasa frontline ng mga aksyon.
Iginiit pa ni Marcos na walang anumang bansa ang may kayang labanan ang lahat ng ito ng nag-iisa lamang.
Kaugnay dito, katuwang ang iba pang partners ay dapat umanong gamitin ng Pilipinas at Australia ang lakas ng isa’t isa upang ipagtanggol ang kapayapaang ipinaglaban noong panahon ng giyera.
Tiniyak naman ng Pangulo na nananatiling matatag ang pagtatanggol sa soberanya, sovereign rights, at jurisdiction ng bansa, at hindi rin umano ito mapapagod na paulit-ulit na sabihing hindi niya kailanman isusuko sa anumang foreign power ang kahit isang pulgada ng teritoryo.