Nakalikom si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng kabuuang $285-M o P15.5-B na investment pledges, sa kanyang tatlong araw na state visit sa Malaysia.
Ito ang inanunsyo ng Pangulo ngayong araw ng Huwebes sa pagharap sa Malaysian business leaders sa Philippine Business Forum.
Kasunod din ito ng roundtable meeting kasama ang Malaysian Chambers of Commerce at chief executive officers ng Malaysian companies, kung saan na-selyuhan ang ilang Memorandums of Agreement at letters of intent para sa business expansion at innovations sa Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, ilan sa mga papasuking negosyo ng Malaysian businessmen sa bansa ay nasa food processing industry, multi-service digital platforms, aviation, aviation maintenance support services, logistics, manufacturing, infrastructure, at water and wastewater treatment.
Iginiit ni Marcos na ito ang patunay na nasa tamang direksyon ang dalawang bansa, at nananatili rin ang tiwala ng investors sa Pilipinas.
Ngayon ang huling araw ng state visit ng Pangulo sa Malaysia at nakatakda na siyang umuwi ng Pilipinas mamayang gabi. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News