Tumulak na patungong America si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa makasaysayang trilateral summit ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan.
Bago mag-alas-3 ng hapon kanina nang lumipad ang eroplanong sinasakyan ng Pangulo at ng Philippine Delegation mula sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Sa kaniyang departure speech, inihayag ng Pangulo na isusulong sa summit ang trilateral cooperation ng tatlong bansa, gayundin ang ugnayan sa ekonomiya, cybersecurity, at defense at maritime cooperation.
Igigiit din ang kahalagahan ng pagtataguyod ng rule of law at rules-based international order sa Indo-Pacific region, at ang kapayapaan at freedom of navigation sa South China Sea.
Sa summit na gaganapin sa White House sa Washington DC, makakasama ng Pangulo sina US President Joe Biden, at Japanese Prime Minister Fumio Kishida.
Magkakaroon din ito ng bukod na bilateral meeting kay President Biden.
Samantala, itinalaga naman sina Executive Sec. Lucas Bersamin, DAR Sec. Conrado Estrella III, at Vice President Sara Duterte bilang caretakers ng bansa habang nasa America ang pangulo.