Nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibaba sa pitong araw mula sa kasalukuyang labinlimang araw ang palugit sa mga importer para patunayang ligal ang naka-imbak nilang bigas.
Sa kanyang talumpati sa distribusyon ng 1,200 sako ng smuggled na bigas sa General Trias, Cavite, inihayag ng Pangulo na kanyang ipinagtataka ang pagbibigay ng 15 araw sa mga importer, gayong kung sila naman ay ligal ay dapat hawak nila at kaagad nilang maipe-presenta ang mga dokumento.
Nangangamba umano si Marcos na maaaring makalusot pa ang mga importer o may-ari ng mga bodega, at ito rin ang dahilan kaya’t natatagalang makuha ng gobyerno ang kustodiya sa bigas.
Kaugnay dito, sinabi ni Marcos na gagawin nila ang lahat upang ang bigas ay kaagad makuha ng pamahalaan partikular ng Bureau of Customs (BOC).
Matatandaang sa ilalim ng Republic Act no. 10863, binibigyan ng 15 days ang importers na magpakita ng patunay na bayad ang buwis o taripa ng inangkat nilang produkto bago ito tuluyang kumpiskahin ng BOC.–sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News