Mismong si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang nagnanais na umaksyon laban sa bentahan ng mga sanggol sa online.
Ayon kay Department of Justice Spokesman Assistant Secretary Mico Clavano, may mga nakitang accounts at groups sa Facebook kung saan ang isang sanggol ay ibinebenta sa halagang naglalaro sa P90,000, habang P5,000 naman ang downpayment.
Hinggil dito, nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa Office of the President, lalo’t sinabi umano ng pangulo na hindi uunlad ang bansa kung mananatili ang mga ganitong problema.
Patuloy din itong nakikipagtulungan sa National Bureau of Investigation, Inter-Agency Council Against Trafficking, at sa Facebook para sa mekanismo at proteksyon ng mga bata sa online.
Hinihikayat din ang lahat ng netizens na isumbong sa mga awtoridad ang anumang makikitang iregularidad sa Facebook kaugnay ng pag-aampon o pagbebenta ng mga sanggol.