Nagtakda ng regulasyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pag-iissue ng low-numbered protocol license plates sa mga opisyal ng gobyerno.
Sa Executive Order no. 56, nakasaad na na-obserbahan ang pagtaas ng mga reklamo kaugnay ng talamak at hindi awtorisadong paggamit ng protocol license plates, na maituturing na banta sa public safety at sa integridad ng vehicle registration system.
Kaugnay dito, ipina-alala ang listahan ng mga opisyal ng gobyerno na maaaring gumamit ng protocol plates tulad ng numero 1 o para sa presidente, 2 para sa bise-presidente, at mga kaukulang plate numbers para sa Senate President, House Speaker, Chief Justice, Cabinet Secretaries, mga Senador, Kongresista, Associate at Presiding Justices, Chairpersons ng Constitutional Commissions at Ombudsman, at Chief of Staff ng PNP at AFP.
Ang iba pang opisyal na may equivalent na ranggo sa mga nabanggit ay maaari ring gumamit ng protocol plates kung may rekomendsyon ng Land Transportation Office at approval mula sa kalihim ng Dep’t of Transportation.
Papayagan lamang ding gamitin ang low-numbered plates sa panahon ng incumbency o panunungkulan ng mga opisyal, para sa mga sasakyang nakapangalan o naka-assign sa kanila.
Inatasan din ang LTO na bawiin o kumpiskahin ang lahat ng expired o paso nang protocol plates.