dzme1530.ph

PBBM, nagpasalamat sa suporta ng India sa ASEAN sa pagtataguyod ng kapayapaan sa South China Sea

Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pag-suporta ng India sa Association of Southeast Asian Nations, sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa South China Sea.

Sa kanyang intervention sa ASEAN-India Summit sa Indonesia na dinaluhan ni Indian Prime Minister Narendra Modi, pinuri ng Pangulo ang pagtindig ng India para sa ASEAN sa non-aligned movement meeting kaugnay ng South China Sea.

Sinabi ni Marcos na tulad ng India ay kaisa siya sa mithiin ng pagkakamit ng progreso sa Indo-Pacific sa pamamagitan ng maritime cooperation, upang matiyak ang maayos na paggamit ng maritime resources, paglaban sa illegal, unreported, at unregulated fishing, at upang maibsan ang maritime pollution.

Nagpasalamat din ito sa India para sa pagho-host sa ASEAN-India Maritime Exercise 2023.

Matatandaang ang India ay kabilang sa mga bansang kumondena sa kontrobersyal na 10-dash line ng China sa South China Sea.

Umaasa naman ang Pangulo ng mas produktibong partnership sa India kasabay ng pagtitiyak ng mga konkretong programa para sa kapakinabangan ng Indo-Pacific Region. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author