dzme1530.ph

PBBM, naglabas ng EO na nagdedeklara sa Pambansang Pabahay Project bilang flagship program ng gobyerno

Naglabas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng executive order na nagdedeklara sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Project bilang flagship program ng gobyerno.

Sa ilalim ng EO No. 34, inatasan ng pangulo ang lahat ng national government agencies at instrumentalities kabilang ang government owned or controlled corp. at local government units, na mag-sumite ng inventory ng mga bakante at available na lupa na maaaring pagtayuan ng pabahay.

Ipinag-utos din sa Department of Human Settlements and Urban Development na tukuyin ang lahat ng national at local governement lands na magagamit sa programa kabilang sa townships at estate development, sa pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya at LGUs.

Sa oras na makakita ito ng bakanteng lupa na pwedeng pagtayuan ng pabahay, maaari itong mag-rekomenda sa pangulo sa pamamagitan ng Department of Environment and Natural Resources, na maglabas ng proklamasyon para mai-deklara ang mga bakanteng lupa na akma sa housing at human settlement.

Matatandaang target ng pangulo na makapagpatayo ng mahigit 6-M pabahay para sa mga Pilipino sa loob ng kanyang anim na taong kanyang termino. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author