Nakiki-dalamhati si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpanaw ni dating Senador Rodolfo “Pong” Biazon.
Sa social media post, inihayag ng pangulo na sa maraming taon ng pagse-serbisyo sa gobyerno, nakilala si Biazon sa kanyang “brand of leadership” at “statesmanship”, sa pagiging sundalo man at sa pagiging isang beteranong mambabatas.
Mataas din ang naging respeto sa kanya ng kanyang mga kasama at ng publiko dahil sa paninindigan sa opinyon, pagpanig sa tama, at pagpapakita ng mataas na moralidad sa kanyang misyon at mga adbokasiya.
Kaugnay dito, sinabi ng pangulo na nakikiisa ang buong sambayanan sa pagluluksa ng naiwang pamilya ni biazon kasabay ng pag-alala sa kanyang hindi matatawarang serbisyo sa bansa.
Matatandaang si Biazon ay pumanaw noong lunes sa edad na 88, matapos ma-ospital dahil sa pulmonya. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News