Nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapanatili ng presensya ng Pilipinas sa Escoda Shoal.
Ito ay kasunod ng pagbabalik ng BRP Teresa Magbanua sa Palawan matapos ang ilang buwang pagpa-patrolya sa Escoda.
Sa ambush interview sa Malacañang, inihayag ni National Maritime Council Spokesman Vice Admiral Alexander Lopez na iniutos ng Pangulo na panatilihin hindi lamang ang pisikal kundi ang strategic presence sa Escoda Shoal.
Kaugnay dito, iniutos na umano ng Philippine Coast Guard ang pagpapadala ng barkong papalit sa pagbabantay sa Escoda Shoal, dahil ang BRP Teresa Magbanua ay sasailalim pa sa pagkukumpuni.
Tiniyak naman ni Lopez na may sapat na kakayanan ang bansa para bantayan ang napakalawak na Escoda Shoal.
Sinabi ng NMC na bukod sa barko ng Coast Guard ay magbabantay din sa Escoda ang assets ng Armed Forces of the Philippines at isasagawa rin ang air patrols, upang ma-detect at maiwasan ang anumang iligal na aktibidad sa lugar. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News