Hindi papayagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na manaig ang anumang Destabilization Plot laban sa gobyerno.
Sa Talk to Troops na ginanap sa Camp Edilberto Evangelista sa Cagayan de Oro City, tiniyak ng Pangulo na hindi niya hahayaan ang sinuman na i-destabilize ang pamahalaan at pagbukod-bukurin ang bansa.
Kaugnay dito, hinikayat ng Commander-In-Chief ang militar na ipakita ang kanilang katapatan, kagitingan, at serbisyo, at hayaang mangingibabaw ang kanilang pagmamahal sa bayan at sa mga Pilipino.
Nanawagan din ito sa Army 4th Infantry Division na paigtingin pa ang kanilang kakayanan at palawakin ang kaalaman para sa paglaban sa mga makabagong paraan ng warfare o pakikidigma kabilang ang nasa Digital realm.
Dapat din silang maging handa sa paglaban sa false narratives, disinformation, at digital operations na naglalayong lumikha ng hindi pagkaka-unawaan sa mga Pilipino.