dzme1530.ph

PBBM, masaya pa rin sa muling pag-bisita sa Davao City sa kabila ng alitan kay dating pangulong Duterte

Masaya si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa muling pag-bisita sa Davao City ngayong araw ng Miyerkules.

Ito ay sa kabila ng mga patutsadang ibinato sa kanya ni dating pangulong Rodrigo Duterte, at anak nitong si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng electronic land titles sa Rizal Memorial College Gym, inihayag ng pangulo na maraming masasayang alaala ang ibinigay ng mga Davaoeño sa kanya at sa kanyang pamilya.

Marami rin umanong panghabambuhay na pagkakaibigan ang nabuo sa lungsod, kaya’t hindi umano maaaring mawala sa kanyang puso ang pagmamahal ng Davao.

Kaugnay dito, ikinagagalak ni Marcos na maging bahagi ng pagtitipon kaugnay ng pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa mga magsasaka sa Davao Region.

Nakasama ng pangulo at nakatabi pa niya sa entablado si Vice President Sara Duterte, habang hindi naman namataan ang kapatid nitong si Mayor Baste Duterte. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author