Maglalabas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng executive order na magpapabilis sa pag-proseso ng mga dokumento sa Infrastructure Flagship Projects ng administrasyon.
Ito ay matapos ilatag ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa Pangulo ang iminungkahing EO na layuning maiwasan ang delays sa malalaking proyekto.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, sa ilalim ng EO ay ipag-uutos ang pagpapabilis ng pag-proseso sa mga lisensya, clearance, permit, certifications, at authorizations para sa flagship projects.
Oobligahing sumunod dito ang lahat ng ahensya kabilang ang mga lokal na pamahalaan at saklaw nito ang mga nakabimbin at mga bagong aplikasyon sa proyekto.
Bukod dito, pangangasiwaan din ang electronic applications at submissions sa mga kaukulang ahensya o LGUs, kabilang ang payments at pag-iisyu ng mga resibo, at oobligahin ang mga LGU na magtatag ng one-stop shops at makipag-ugnayan sa DICT para sa pag-adopt sa ICT platforms.
Sinabi ni Balisacan na babalangkasin na ng Office of the Executive Secretary ang EO at ilalabas na ito sa lalong madaling panahon. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News