dzme1530.ph

PBBM, isusulong ang pagkakaroon ng joint statement ng ASEAN laban sa 10-dash line ng China

Isusulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkakaroon ng joint statement ng Southeast Asian countries laban sa mga agresibong hakbang ng China sa karagatan, at ang bago nitong mapa tampok ang kontrobersyal na 10-dash line.

Ito ay sa nakatakdang pagdalo ng Pangulo sa 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia mula Setyembre a-5 hanggang a-7.

Ayon kay Foreign Affairs Assistant Sec. for ASEAN Affairs Daniel Espiritu, nasa proseso na ng negosasyon ang posibleng joint statement ng ASEAN.

Gayunman, sa ngayon ay hindi pa masabi ni Espiritu kung kokondenahin ng ASEAN countries ang mga hakbang ng China.

Bukod dito, maaari rin umanong matagalan pa bago mabuo ang Code of Conduct sa South China Sea.

Sinabi naman ng DFA official na isusulong ni Marcos sa ASEAN Summit ang rules-based international order, at patuloy ding itataguyod ng Pilipinas ang Freedom of Navigation sa South China Sea alinsunod sa International Law.

Matatandaang bukod sa Pilipinas ay kinondena na rin ng Malaysia at India ang inilabas na 2023 edition na mapa ng China, kung saan mula sa 9-dash line sa South China Sea ay makikitang pinalawak na ito sa 10-dash line. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author