Ipinatitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Charity Sweepstakes Office na hindi mapu-pulitika ang pagbibigay ng mga ambulansya sa mga lokal na pamahalaan.
Sa kanyang talumpati sa Quirino Grandstand sa Maynila sa pag-turnover ng 129 ambulansya sa mga LGU, ibinahagi ng Pangulo na batid niya ang sistema ng palakasan sa pagtanggap ng ambulansya, at nakita niya ito noong siya ay naging gobernador ng Ilocos Norte.
Iginiit ni Marcos na kalusugan at buhay na ng tao ang nakasalalay sa mga ambulansya, kaya’t hindi na dapat ito pinu-pulitika pa.
Kaugnay dito, sa ngayon ay malaki na umano ang pagbabago sa sistema kung saan hindi na kailangang lumapit ng mga LGU sa PCSO, sa Pangulo, sa Gobernador, at sa mga Senador o Congressmen, dahil hihintayin na lamang nilang dumating ang mga ambulansya sa kanilang mga lugar. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News