Ipinatitiyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Dep’t of Public Works and Highways ang mabilis at napapanahong pagtatayo ng disaster-resilient evacuation centers sa mga priority na lokal na pamahalaan.
Ito ay sa ilalim ng isinabatas na ‘Ligtas Pinoy Centers Act’, na nagtakda ng mandatong magtatag ng matitibay na evacuation centers sa bawat lungsod at munisipalidad.
Sa kanyang talumpati sa signing ceremony sa Malakanyang, inatasan ng pangulo ang DPWH na siguruhin ang pagsunod ng mga itatayong pasilidad sa minimum standards kabilang sa national building code, nang naaayon sa unique o ispesyal na pangangailangan ng bawat LGU.
Sinabi rin ni marcos na ang evacuation center ay idi-disenyo upang hindi ito kayang patumbahin ng bagyong may lakas na 300 kilometers per hour, at magnitude 8 na lindol.
Samantala, nauunawaan rin ng Pangulo ang apila ng Dep’t of Education na huwag nang ipagamit ng matagal ang mga paaralan bilang evacuation center, dahil nakaa-apekto ito sa pag-aaral ng mga bata.
Kaugnay dito, sa ilalim umano ng bagong batas ay magkakaroon na ng evacuation centers na dedicated o laan lamang para sa mga ililikas sa panahon ng sakuna. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News