Nakabalik na ng Pilipinas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos ang pagdalo sa 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits sa Indonesia.
Pasado hatinggabi kanina nang lumapag ang eroplanong sinakyan ng Pangulo sa Villamor Airbase sa Pasay City.
Ipinagmalaki ni Marcos ang produktibong partisipasyon sa ASEAN Summit kung saan kanyang isinulong ang key interests tulad ng food and energy security, proteksyon ng migrant workers, climate change mitigation, at digital transformation.
Lumahok din ang Pangulo sa 12 leaders’ level meeting kung saan bukod sa ASEAN countries ay nakasama rin niya ang mga lider at opisyal mula sa Australia, Canada, China, India, Japan, South Korea, Estados Unidos, at United Nations.
Itinaguyod din ang rules-based international order at mapayapang resolusyon sa sigalot sa South China Sea.
Una nang inanunsyo ng Presidential Communications Office na nakalikom ang Pangulo ng $22-M na halaga ng investments mula sa top Indonesian companies na nasa larangan ng animal health, artificial intelligence, at digital connectivity. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News