Ipinag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang paglalagay ng clinics o medical teams sa bawat evacuation center.
Sa situation briefing sa PSC Headquarters sa Maynila, inihayag ng Pangulo na kasunod ng rescue at relief operations, sunod na magiging hakbang nito ang pagtutok sa healthcare o kalusugan ng mga lumikas na residente.
Sinabi ni Marcos na kung hindi kayang maglagay ng clinic ay dapat magkaroon man lamang ng medicals teams ang evacuation centers na nag-iikot upang alamin kung may nangangailangan ng atensyong medikal, lalo na ang mga bata.
Maaari umano itong buuin kahit ng mga barangay health workers lamang.
Bukod dito, sinabi ni Marcos na dapat ding bigyan ng kanilang maintenance medicines ang mga senior citizen ngunit mangangailangan muna ito ng reseta mula sa mga doktor.