dzme1530.ph

PBBM, ipinag-utos ang paggamit sa labis na koleksyon sa RCEF bilang tulong sa mga magsasaka

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang paggamit sa labis na koleksyon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), bilang pangtulong sa mga magsasaka.

Sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), inihayag ng Pangulo na ang labis na koleksyon sa RCEF ay dapat gamitin sa mga tractor, mechanization, at iba pang kasangkapan na makapagpapalakas sa produksyon ng mga magsasaka.

Matatandaang sa ilalim ng Rice Tariffication Law, inoobliga ang pagkolekta ng P10-B kada taon para sa RCEF na gagamitin sa bankroll programs at mga proyektong makapagpapalakas ng produksyon ng palay.

Samantala, muli ring ibinida ni Marcos ang inaprubahang paglalabas ng P12.7-B para sa P5,000 financial assistance sa 2.3-M na small rice farmers.

Ito umano ay kaakibat ng ginawang pagbawi sa mandated price ceiling sa bigas para sa pagpapatibay sa sektor ng agrikultura. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author