dzme1530.ph

PBBM, iniutos ang pagpapalakas ng mga hakbang laban sa malnutrisyon at obesity ng mga bata

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapalakas ng mga hakbang ng gobyerno laban sa malnutrisyon, micronutrient deficiency, at overnutrition o obesity sa mga batang Pilipino.

Sa sectoral meeting sa Malakanyang, inihayag ng Pangulo na may mga probinsya sa bansa ang maraming batang bansot o kulang sa nutrisyon.

Kailangan umanong i-angat sa national level ang mga programa laban sa malnutrisyon at obesity, habang maaari ring alalayan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad nito.

Kaugnay dito, inatasan ang Dep’t of Health, Dep’t of Education, Dep’t of Agriculture, at iba pang kaukulang ahensya na magsanib-pwersa para sa matatag na National Nutrition Program at National Nutrition Council.

Partikular ding pinatututukan ang First 1,000 days program o ang pagtitiyak ng nutrisyon para sa isang ina at sa unang isanlibong araw ng isang bata.

Isusulong din ng DOH ang pag-iiwas sa mga bata sa obesity sa school age o edad pa lamang ng kanilang pag-aaral, sa pamamagitan ng pagtuturo ng tamang pagkain at paghikayat sa kanilang mag-ehersisyo at maging aktibo sa sports. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author