dzme1530.ph

PBBM, inanunsyo ang pagho-host ng Pilipinas ng Asia-Pacific Conference on Disaster Risk Reduction ngayong Oct.

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nakatakdang pagho-host ng Pilipinas ng Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction ngayong Oktubre.

Sa kanyang intervention sa 44th ASEAN Summit Plenary Session sa Lao People’s Democratic Republic, inihayag ng Pangulo na ang climate change ay ito na ngayong pinaka-malaking banta sa sangkatauhan at sa hinaharap ng ASEAN, at ang ASEAN Region ang nananatiling isa sa mga pinaka-apektado ng pagbabago ng panahon.

Kaugnay dito, dapat umanong tutukan ng ASEAN ang climate change at pag-protekta sa biodiversity at ecosystems na itong pundasyon ng lahat ng buhay.

Sinabi ni Marcos na sa nasabing Asia-Pacific Conference, magtitipon ang stakeholders mula sa rehiyon para palakasin ang kooperasyon, magpalitan ng mga pamamaraan, at bumuo ng mga polisiya upang maibsan ang pinsala ng mga sakuna.

Samantala, iniulat din ni Marcos sa kapwa ASEAN leaders ang idinagdag na 25% sa pondo ng Pilipinas para sa ASEAN Centre for Biodiversity. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author