Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sumabak muli siya pulitika upang ipagtanggol ang pangalan ng kanyang pamilya.
Sa one-on-one dialogue kay World Economic Forum (WEF) President Borge Brende sa Davos, Switzerland, inihayag ni Marcos na noong una ay hindi siya desididong pasukin ang pulitika dahil sa kanyang pagkabata ay nasaksihan niya ang mga sakripisyo ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Gayunman, pagkabalik ng kanyang pamilya sa Pilipinas matapos ang exile sa America noong mapatalsik sa pwesto ang kanyang Ama, sinabi ng Pangulo na naging mainit na usapin na sa pulitika ang pangalang Marcos.
Sinabi ng Chief Executive na nagpasiya siya noong tumakbo sa pagka-kongresista ng Ilocos Norte dahil kailangan niyang ma-depensahan ang kanilang pamilya, at maipagtanggol ang legasiya ng kanyang ama.
Ibinahagi naman ni Marcos na ang anim na taon nilang exile sa America kasabay ng pagkamatay ng kanyang ama sa Hawaii, ay isang madilim na bahagi sa kanilang pamilya at maging para sa bansa.
Mababatid na si dating Pangulong Marcos Sr. ay pinatalsik sa pwesto sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution noong 1986, sa harap ng mga alegasyong pagkamal ng bilyung-bilyong pisong pondo ng bayan at kabi-kabilang paglabag sa karapatang pantao.