Inaasahang pipili na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng magiging permanenteng kalihim ng Department of Agriculture.
Ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin, maaaring may shortlist o listahan na ang Pangulo ng mga pagpipiliang mamuno sa DA, at posible ring naninimbang pa ito kung sino ang dapat piliin sa harap ng napakaraming isyu sa agrikultura.
Matagal na rin umanong iniisip ng Pangulo na pumili ng regular na DA Secretary, at mayroon ding mga nagsasabi na dapat na niyang ibigay sa iba ang posisyon upang matututukan nito ang iba pang pangangailangan ng bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Bersamin na maaaring mas matimbang sa ngayon ang mga payong natatanggap ng chief executive na nagsasabing mas mainam na siya muna ang maging DA Secretary, dahil siya ang may mas malaking awtoridad para hawakan ang mga problema sa agrikultura.
Una nang sinabi ni Marcos na bibitawan niya lamang ang pagiging DA Secretary sa oras na maging plantsado na ang lahat ng sistema sa kagawaran upang matiyak ang food security sa bansa. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News