Ikinalulungkot ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maraming kabataan ngayon ang hindi nakakakilala sa mga martyr na pari na sina Mariano Gomes, Jose Burgos, at Jacinto Zamora, o tanyag sa tawag na GOMBURZA.
Sa kanyang talumpati sa Independence Day Parade sa Quirino Grandstand sa Maynila, inihayag ng pangulo na ang pagpaslang sa tatlong paring sekular ay itong pumukaw at nagmulat sa kamalayan ng mga Pilipino na mayroon itong sariling bansa na hiwalay sa Espanya at simbahang Katolika.
Sinabi pa ni Marcos na ang hindi makatarungang pagkamatay ng GOMBURZA ang nagsilbing mitsa sa pagsiklab ng mga kilusang nasyonalismo.
Gayunman, iginiit ng pangulo na tila nakalimot na ang kabataan sa lahat ng pinagdaanan ng bansa upang makamit ang kasarinlan.
Binigyang-diin ni Marcos na ang kalayaan ay dapat inaalagaan, binabantayan, at ipinapaglaban, at sa sandaling pabayaan ay maaari itong mawala at muling maagaw.