Ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mayroon siyang isang ninunong piratang Chinese.
Sa question and answer portion matapos ang kanyang keynote address sa Lowy Institute Think Tank sa Australia, inihayag ng Pangulo na kung pag-aaralan ang DNA ng mga Pilipino, kakaunti lamang ang makikita na walang Chinese DNA.
Sa katunayan umano ay mismong sa kanilang family tree ay mayroong isang Chinese pirate na nag-ngangalang “Limahong”, na naglayag sa South China Sea at sa Northern Philippines.
Sinabi pa ni Marcos na ang archeological evidence ang nagpapakita na nakikipag-kalakalan na ang Pilipinas sa China sa loob ng 600-taon.
Mababatid na ilang beses nang binatikos ng Pangulo ang China dahil sa patuloy na pag-angkin sa mga teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.