Ibinida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang malaking pagbabago sa kampanya kontra iligal na droga sa kanyang administrasyon.
Sa pakikipagpulong kay German Chancellor Olaf Scholz sa Germany, ibinahagi ni Marcos ang malaking pagbabago sa kanyang diskarte, kung saan kanya umanong tinutulan ang marahas na paraan dahil ang problema sa iligal na droga ay nangangailangan ng mas malalim na pang-unawa at solusyon.
Ipinagmalaki rin nito ang pagbalasa sa Philippine National Police kabilang ang pagsibak at pagkakakulong ng mga pulis na nadawit sa masasamang gawain sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Bagamat aminado ito na problema pa rin ang pagkalat ng iligal na droga sa bansa, sinabi ni Marcos na nabawasan na ang illegal drug operations sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Samantala, nanindigan naman ang pangulo sa German leader na walang jurisdiction sa Pilipinas ang International Criminal Court.