dzme1530.ph

PBBM, humirit ng P1.408-B budget para sa local at foreign trips sa 2024

Naglaan ang administrasyon ng P1.408-B sa ilalim ng Proposed 2024 National Budget, para sa local at foreign trips ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..

Ito ay 58% na mas mataas sa P893.87-M na alokasyon ngayong taon.

Kaugnay dito, ipinagtanggol ng Department of Budget and Management ang tumaas na budget proposal para sa mga biyahe ng Pangulo.

Sa press briefing sa Palasyo, inihayag ni Budget Sec. Amenah Pangandaman na bukod sa state visits, ipinakikilala rin ng Pangulo sa ibang bansa ang Pilipinas bilang investment hub, kasama ang kanyang economic managers.

Dahil dito, sinabi ni Pangandaman na walang nakikitang problema sa paggastos sa mga biyahe ng pangulo kung mas malaki naman ang maibibigay nitong benepisyo sa bansa.

Samantala, kinumpirma rin ng DBM na dinagdagan ng P50-M ang alokasyon para sa confidential at intelligence funds ng presidential security group.

Ayon kay Budget Assistant Secretary Mary Anne Dela Vega, malaking bahagi nito ay gagamitin sa intelligence activities ng PSG kapag may biyahe sa ibang bansa ang Pangulo. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author