dzme1530.ph

PBBM, hinimok na talakayin sa SONA ang problema sa water crisis

Nanawagan si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na talakayin sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang paulit-ulit na problema sa suplay ng tubig lalo na ngayon sa gitna ng banta ng El Nino.

Umaasa ang senador na hindi puro Maharlika Investment Fund ang tatalakayin ng Pangulo sa SONA sa July 24.

Binigyang-diin ni Pimentel ang pangangailangang maresolba ang water crisis at mabawasan ang epekto ng El Niño, partikular na sa agricultural productivity at mga magsasaka.

Ipinaalala ng mambabatas na sa nakalipas na tagtuyot at water crises, naapektuhan ang ekonomiya, negosyo, agrikultura, power generation, public health at natural resources.

Tinukoy pa ni Pimentel ang pag-aaral ng Columbia University na nagsaad na umabot sa 70% ng bansa ang nakaranas ng tagtuyot nang magkaroon ng El Niño noong 1997 hanggang 1998.

Binanggit din ni Pimentel ang babala ni Union Bank of the Philippines, Inc. Chief Economist Ruben Carlo Asuncion na posibleng umabot sa $3.3-B ang maging epekto ng matinding El Niño.

Maging ang Pangulo rin anya noong March 2023 ay inamin na ang tindi ng epekto ng water crisis kung saan 11-M pamilya ang walang access sa malinis na tubig,

Bukod sa panawagan sa Pangulo, umapela rin si Pimentel sa publiko na magtipid ng tubig at kuryente sa mga ganitong panahon. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author