Umaasa si Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe na mag-iisyu ng urgent certification si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa panukala para sa pagtatatag ng Department of Water Resources Management.
Naniniwala si Poe na kung maglalabas ng certification ang Pangulo ay tiyak na mapapadali ang pagtalakay ng Kongreso sa panukala.
Sinabi ni Poe na dapat din nilang samantalahing ipasa ang panukala kasunod ng marching orders mula kay Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ni Poe na dapat nang tutukan ang isyu ng kakapusan sa tubig bago pa lumala ang problema.
Una nang inihain ni Poe ang Senate Bill 102 para sa pagtatayo ng departamento na lilikha ng polisiya para sa water supply, sewerage at septage management, gayundin para tiyaking nabibigyan ng sapat na prayoridad ang consumer welfare.
Sa ilalim ng panukala, ang itatayong kagawaran ay magiging pangunahing policy, planning, coordinating, implementing, monitoring, and administrative entity ng executive branch para sa comprehensive at integrated development at management ng water resources. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News