dzme1530.ph

PBBM, hinimok ang bagong PMMA graduates na panatilihin ang “global figure” ng Pilipinas sa maritime industry

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga bagong nagsipagtapos na marine students ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA), na tulungan ang Pilipinas na panatilihin ang “global figure” o magandang katayuan nito sa maritime industry.

Sa talumpati sa ika-200 commencement exercises ng PMMA sa San Narciso, Zambales, inihayag ng Pangulo na anumang pagsubok ang kaharapin ng bagong graduates, tiwala itong isasapuso nila ang kanilang class name na “Madasiklan”, na kumakatawan sa mga katagang “Magiting na may Dangal at Simbolo ng Kawal ng Karagatan”.

Kaugnay dito, umaasa ang chief executive na itataguyod ng PMMA graduates ang pagiging asset ng Pilipinas sa buong mundo.

Samantala, nanawagan din ang Pangulo sa lahat ng kaukulang ahensya na makipagtulungan sa PMMA sa pag-aangat ng maritime education sa bansa.

Ipinatitiyak din nito na ang lahat ng magiging hakbang sa maritime industry ay magiging alinsunod sa mga batas at regulasyon.

Matatandaang kamakailan lamang ay naresolba ng Pilipinas ang isyu sa bantang pag-ban sa Filipino seafarers sa EU vessels dahil sa umano’y kabiguang makatugon sa EU Maritime Safety Standards. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author