Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na hahayaang muling mamayagpag ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ay sa harap ng nalalapit na deadline ng POGO ban sa pagtatapos ng taon.
Ayon sa Pangulo, ang sinumang magtatangkang magpatuloy ng iligal na operasyon ng mga POGO ay haharap sa buong pwersa ng batas.
Una nang sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corp. na kanselado na ang lahat ng lisensya ng mga nalalabing POGO pagsapit ng Dec. 15.
Iginiit naman ni DILG Sec. Jonvic Remulla na hindi ganoong kalaki ang mawawalang kita sa pamahalaan sa pag-alis ng mga POGO, dahil ayon sa NEDA ay nasa .25% ng total GDP lamang ang maaapektuhan, at maaari naman itong bawiin sa pinalakas na revenue measures ng Dep’t of Finance.